
Isang kaibigang sosyolohista ang aminado na mayroon syang bias against psychology hindi ko alam kung saan nag-ugat pero ang personal kong impresyon batay sa kanyang mga kwento naisip ko na ang maaring dahilan ay ang subdued competition sa kung sino ang mayroong mas systematic at credible na pamamaraan kung papaano iintindihin ang tao/lipunan.
Maaaring impluwensya ito ng tunggalian ng ideya ng mga kilalang siyentipiko sa parehong larangan. Sa kwentuhang ang paksa ay sosyolohiya laban sa sikolohiya ko napalawig ang aking pag-unawa sa kung ano ang sosyolohiya. Siguradong hindi ganon kalalim kaysa sa mga nag-aral nito, hindi ko alam ngunit napagtanto ko mula sa mga kwento ng aking kaibigan na ang mga simpleng pangyayari na inaakala kong alam ko ang pinag-ugatan at patutunguhan batay sa nakikita kong katulad na sitwasyon sa paligid na aking ginagalawan ay hindi pala ganon kadali dahil may siyentipikong pamamaraan kung paano mo babatirin ang sanhi at epekto kalakip na ang kunsiderasyon sa mga nakalipas na pangyayari hindi lamang ng aktuwal na sitwasyon.
Dahilan dito tumaas ang pagpapahalaga ko sa kursong ito inakala kong lahat ng mga taong nakapag-aral ng ganitong kurso ay may malalim na pag-intindi sa lahat ng sitwasyon na kinasasadlakan at maaring kasadlakan ng tao at lipunan. Inaasahan ko rin na ang mga sosyolohista ay may malalim at sapat na kaalaman sa iba’t ibang kultura, sistema at paniniwala upang mas maintindihan at maipaliwanag ang dahilan ng kilos, pananaw, katangian ng mga tao at kung bakit ganito ang nangyayari sa lipunan.
Naisip ko na ang mga sosyolohista ay may kakayahang kontrolin ang pagkiling at may kakayahang mas maging resonable sa pagtingin sa sitwasyon, pangyayari o katangian sapagkat hinubog sila ng kanilang kurso upang intindihin ang lipunan at lahat ng nakapaloob dito. Pero sabi nga ng aking kaibigan hindi lahat ng sosyolohista ay kayang gawin ito, ngunit dahil na rin sa sila ang nagpapakadalubhasa sa pag-intindi sa lipunan inaasahan kong sila ay liberal at may kakayahang unawain ang kahit na anong sitwasyon, paniniwala o katangian.
May ilang sosyolohista na nagpahayag na sila ay liberal batay sa kwento ng aking kaibigan marami sa kanyang mga kakilala ay liberal sa ilang aspeto, sa pagpapakita na sila ay may kakayahan at lakas ng loob na hindi sumunod sa kung ano ang itinatakda ng traditional na lipunan. Karamihan sa atin ay konseratibo karamihan sa ating paniniwala ay impluwensyado ng simbahan, katoliko man, muslim, born again o iba pang sekta.
Marami sa kanila ang nagyayabang na sila ay liberal sa salita, kilos at gawa, nagpapamalitang kaya nilang intindihin ang mga “abnormal” o mga sitwasyon na kinukundena ng lipunan. May ilan din walang pakundangan sa pagpapahayag ng saloobin, hindi nahihiyang kumilos taliwas sa inaasahan ng lipunan, hindi natatakot sa pintang ipupukol ng mga taong naniniwala sa tradisyunal na kultura at ideyolohiya.
Naikwento sa akin ng aking kaibigan na pinag-aralan nila ang lahat ng aspeto ng lipunan mula sa pamilya, pulitika, relihiyon, at kung ano ano pa. Sa mga ito napukaw ang interes ko nang maikwento nya sa akin ang pag-aaral nila sa Deviance pakiramdam ko makabuluhan ang pag-aaral nito upang masulusyunan ang mga problemang panlipunan, o tama nga bang tawaging problemang panlipunan ang isang sitwasyon na hindi katanggap tanggap sa ating kultura ngunit normal sa ibang kultura o mas maiiging pagnilayan kung tama nga bang tratuhin ito na problema dahilan sa hindi ito tumutugma sa ating nakasanayan o sa kung ano ang katanggap tanggap sa lipunan? Napaka-interesante para sa akin na may mga kurso na nagtatasa sa ilang ideolohiya, sitwasyon at katangian ng ating lipunan, may mga taong umiintindi sa nangyayari sa ating paligid nang sa gayon ay maging batayan ng mga susunod na adhikain at hakbang upang mas mapaigi ang kalayagan ng mga naninirahan dito.
Medyo disappointing lang nang personal kong ma-eksperyensya mula sa ilang sosyolohista ang kakulangan ng pagsasabuhay sa marangal na adhikain ng kursong kanilang pinag-aralan. Sa paglalarawan kasi ng aking kaibigan hindi ko inaaahang mula sa isang sosyolohista na inaakala kong mulat sa realidad ng buhay manggagaling ang pagpipinta sa sitwasyong hindi naayon sa traditional na pamantayan. Masyado sigurong mataas ang naging pagtingin ko sa isang sosyolohista upang hindi maintindihan kung mayroon man sa kanila na nagtatatak o nagmamarka sa mga taong gumawa ng taliwas sa nakagawian ng mga tao sa lipunan.
Mas lalong nakadidismaya na marinig ito sa sosyolohistang naglalakas-loob na ipinangangalandakan ang pagiging liberal hindi lamang sa salita kundi maging sa kilos, idagdag pa ang paggawa rin mismo ng aksyon na taliwas sa nakasanayan at kinukundena ng lipunan.
Totoo bang kapag ikaw ay sosyolohista mayroon kang extra-ordinary power para intindihin ang tao, sitwasyon o lipunan o depende kung kanino, saan at kalian mo gagamitin ang iyong natutunan?
Gusto kong malaman kung hanggang saan natutulungan ng kursong sosyolohiya ang mga nag-aaral nito upang hubugin ang mga tao nang sa gayon ay mas maintindihan ang mga pangyayari, ideya o katangian. Gaano ka-epektibo ang pag-aaral ng sosyolohiya upang maabot nito ang adhikain na pagkakaroon ng mas maayos na lipunan?
Naisip ko lang batay sa aking personal na negatibong eksperyensya sa ilang sosyolohista, kung ganitong uri ng mga sosyolohista ang magiging produkto ng piling paaralan mas makabubuti sigurong hasain na lamang ang paggamit ng common sense ng mga tao kaysa mag-aksaya ng enerhiya, panahon at pinansya.
Wala akong pagkiling laban sa kursong sosyolohiya kundi doon lamang sa mga nag-aral nito na hindi kayang magsabuhay ng mga natutunan.